Nakakalungkot isipin na ang dating napakagandang Hagdan-Hagdang Palayan ng Banaue (Banaue Rice Terraces) na sinasabing "8th Wonder of the World" ay unti unti nang napapabayaan at nawawalan ng halaga. Hango sa aking pananaliksik nakakita ako ng mga larawang di kaaya aya saking sariling pananaw. Bago pa ko magsimula saking hinanaing para sa Hagdan-Hagdang Palayan natin ay mag-umpisa tayo sa ating kasaysayan.
Ang Pilipinas ay sinakop ng mga Kastila ng sobrang habang panahon, kung hindi ako nagkakamali ay 400 taon din nila tayong sinakop o mahigit. Sa loob ng 400 taon maraming bansa sa Asya, hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo na rin, ang nakapaghubog ng sarili nilang kasaysayan, kultura at iba pa.
Halimbawa na lamang ay ang bansang Hapon. Sa loob ng napakahabang panahon, "centuries" siguro, sila ay naging isang kulob o "secluded" na bansa. Kung tama ang napanood ko sa telebisyon ay higit kumulang 100 taon pa lamang nilang binuksan ang pinto nila para sa mundo. Kung sino man ang nagsabing wala kang mapapala sa kakapanood ng telebisyon, ay pwes, mali ka! Kaya hanggang ngayon lahat ng tradisyon. kultura at iba pa ay kanila pa ring ginagawa. Ang pagmamahal nila sa bayan nila ay walang katulad. Masasabi kong napaka-yaman ng bansa nila hindi lamang dahil sa kanilang pera kun'di pati sa kanilang kasaysayan.
Kun'di lang tayo nasakop ng ganoong kahabang panahon ay mayroon sana tayo ngayong sariling mayamang kasaysayan, kultura, istraktura at tradisyon. Bakit ko nasabi ito? Dahil sa ngayon lahat ng istilo natin ay hango sa mga dayuhang sumakop sa ating bansa, Kastila, Amerikano at pati na rin ang Hapon. Ngunit ang pinakamalaking nakaapekto sa atin ay ang mga Amerikano. Lahat ng istilo ng pamumuhay nila ay sinusubukan nating gayahin.
Kun'di lang tayo nasakop siguro marami pa tayong magagandang istraktura na sariling atin, na pwede nating ipagmalaki sa ibang bansa; maliban sa hagdan-hagdang palayan na hanggang ngayon ay nariyan pa din. Ngunit, wala na. Siguro maraming nag-iisip sa inyo na bakit wala na? Ang sagot ko, bakit meron pa ba?? Kung meron pa, pakisabi na lang sa'kin. Lahat ng aking sinasabi ay bago pa dumating ang kastila sa'ting bayan. Siguro kun'di lang yon nangyari meron na tayong nagawang mga istraktura na tulad ng "Taj Mahal" ng India, "Leaning Tower of Pisa" ng Italya, at iba pa. Ang mga gusaling itinayo habang nasasakop pa tayo ng Espanya ay hindi natin pwedeng ituring na sariling atin sapagkat ito ay may halo na ng kanilang impluwensya.
Sa kasalukuyan, ang hagdan-hagdang palayan ay paunti unti nang nagiging "housing project" sa dami ng mga tirahang itinatayo dito. Ang akin lang ay sana humanap na lamang ng ibang lugar na kalapit sa Hagdan-Hagdang Palayan na pwedeng tirhan ng 'di ito tuluyang masira. Ito na lamang ang nagsisilbing alaala na iniwan sa'tin ng ating mga tunay na ninuno. Sana huwag natin itong pabayaan. At sana matutong magpahalaga ang kasalukuyan nating gobyerno sa mga ganitong bagay at matutunan din sana nilang gumawa ng paraan upang bumalik ang interes ng mga Pilipino sa pagsasaka.
Kung meron lamang nagmamahal sa bansa natin na tulad ng pagmamahal ni Pangulong Ferdinand Marcos ay magiging maayos sana ang lahat. Maproprotektahan at masasagip sana ang ating Hagdan-Hagdang Palayan at iba pang makasaysayang istraktura. Oo, hindi kayo naduduling sa haba ng "blog" na ito, Ferdinand Marcos nga ang nabasa nyo. Ang mga Pilipino ay hindi magkakaroon ng disiplina kung walang kinatatakutan, ayon lamang ang aking sariling opinyon. Kung hindi mahal ni Pangulong F. Marcos ang Pilipinas sana hinayaan nya itong malubog sa utang nung umpisa pa lamang. Ngunit, hindi, datapwat pinayaman nya ang ating bansa. Mahigpit man ang kanyang rehimen, nakita naman natin ang unlad at ginhawa ng ating bayan at hindi natin ramdam ang hirap na nararanasan natin sa ngayon.
Mahal ko ang ating bansa, pero tulad ng pagmamahal sa isang tao, ito ay nauubos din. Sana hindi dumating ang panahon na ito ay mawala. Mahalin natin ang ating bansa at alagaan natin ang sariling atin.
Salamat sa pagbabasa.
No comments:
Post a Comment